connect now
Cancel
Cancel
Cancel
Tagalog News: Masama ang epekto ng cyanide at dinamita sa tao, isda - prov'l agricuturist
By Reyjun O. Villamonte, Jr.
posted 11-Jan-2012  ·  
0 comments

Ipagpapatuloy ngayong taon ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Fisheries Development Divison (FDD) ang kanilang kampanya hingil sa masamang epekto ng cyanide at dinamita sa isda at tao.

Ipinahayag ni senior agriculturist Danilo Guevarra ng OPAG-FDD, ang taong nalason ng cyanide ay dagliang namamatay sa unang kontak nito sa lason, ang isdang tinamaan ng cyanide ay lumalabo ang paningin at lumalangoy ng walang direksiyon pati ang mga vital organs nito ay nasisira hanggang sila ay mamatay at madalas ang nilalason na mga isda ay ang lapu-lapu, siganid, maya maya, at talakitok.

Mahirap masuri ang isdang nahuli sa pamamagitan ng lasong cyanide ng pisikal na eksaminasyon lamang at kinakailangan pang isailalim ito sa laboratoryo kaya’t napakahirap malaman ng namamalengke na ang kanilang isdang nabili ay walang nakalalasong sangkap dala ng cyanide, ayon pa rin kay Guevarra.

Ang epekto naman ng isdang nalason ng cyanide kapag kinain ng tao ay nagdudulot ng kawalan ng malay; kapag nakain, isang mapait at nakapapasong lasa ang mararamdaman na susundan ng pamamanhid ng lalamunan, paglalaway at pagsusuka; makararamdam din ng pagkanerbiyos, pagkalito, matigas na pakiramdam sa ibabang panga; kahirapan at pabago-bagong bilis sa paghinga, pagtaas ng temperature ng dugo at mabilis na pulso at kamatayan sa respiratory arrest.

Ipinahayag pa rin ni Guevarra ang epekto ng pangingisda gamit ang dinamita sa isda at tao, ang malakas na pressure dala ng paputok o blast fishing ay pumapatay kaagad sa isda at ang blood vessels nito, mga lamang-loob at daluyan ng hangin ay sumasabog.

Maaring masuri ng namamalengke ang isdang nahuli, ito’y makikita sa panlabas na anyo ng isda kagaya ng pagpupula ng mga mata, malambot na laman, may bumubuhos na dugo sa may hasang, at maputla o hindi makintab na kulay.

Ang mga isdang madalas gamitan ng dinamita ay ang mga sumusunod: buraw, dalagang-bukid, lawlaw, salay-salay, talakitok, bataway, molmol, torsillo, bagaong at malakapas, matang-baka, galunggong, labahita, at banak.

Ang mga isdang ginamitan ng dinamita ay ligtas naman kainin, subalit ang kalidad ng isda ay madaling masira dahil sa malambot na laman at sa mga dugong nabara. Ang isdang panis ay hindi dapat kinakain o ginagamit para sa food processing, ayon pa rin kay Guevarra.

Dagdag pa rin niya ang paggamit ng cyanide at dinamita sa karagatan ay nakakasirang pamamaraan ng pangingisda, ang paggamit ng lason at pasabog ay sumisira sa establisadong komunidad ng mga organismo at sumisira sa mga lamang-dagat at nagreresulta ng mas mababang produksiyon ng isda.

Binanggit pa niya na ang mga nahuhuli ay gumagamit ng compressor na pinaghihinalaang gumagamit ng ciyanide ganundin ang dinamita na kung saan kaunti na lamang ito sa ngayon dahil na rin sa mahigpit na batas na ipinatutupad ng mga lokal na pamahalaan dito at itigil ang maling pamamaraan ng pangingisda para na rin sa proteksiyon ng coastal environment.

Ayon sa Section 88 ng Republic Act no. 8550, ang pagtitinda ng isdang nahuli sa pamamagitan ng ilegal na pangingisda kagaya ng cyanide at blash fishing ay pinarurusahan ng pagkabilanggo simula anim na buwan hanggang dalawang taon, kabilang din dito ang pagkumpiska sa isda at mga kagamitan.

Hinikayat naman ni supervising agriculturist Edgar Estanislao ng OPAG-FDD sa lahat ng mga nagtitinda at namimili ng isda na magtulungang proteksiyunan ang bawat isa sa pagtangging magtinda at bumili ng mga isdang ilegal na nahuli sa pamamagitan ng cyanide at dinamita.

Ipaalam kaagad ang pinaghihinalaang nagtitinda ng mga isdang nahuli sa ilegal na pamamaraan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya at sa lokal na pamahalaan. (MAL/RBM-PIA Camarines Norte)

0 comments
New to ugnayan?
leave a comment, you need to connect.
Connect thru
Cancel
Cancel
Cancel
726
views
share
like
posted
11-Jan-2012
ugnayan © 2014
online: 
46 visitors